Isang linggong sasailalim sa lockdown ang Caloocan City Medical Center-South.
Ito ay matapos mag positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ilang medical staff ng nasabing ospital.
Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan alas 12 ngayong tanghali isinara muna ang naturang ospital kabilang ang emergency room nito para sa disinfection.
Ipinabatid ni Malapitan na naka-quarantine na ang mga nurse at med tech na nagpositibo sa virus at tuloy-tuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito.
Patuloy naman aniya ang serbisyo ng outpatient department na nasa Old City Hall Plaza gayundin ang Caloocan City North Medical Center.
Kasabay nito sinabi ni Malapitan na naabot na rin ng CCMC ang overflowing capacity para sa mga pasyente ng COVID-19 kaya’t nakikiusap sila sa publiko na dalhin na lamang sa ibang ospital ang mga positive COVID-19 patients.