Sinuspinde ng Korte Suprema ang isang hukom na nakatalaga sa Maynila matapos ang ginawa nitong pang-iinsulto sa dalawang miyembro ng LGBTQ community.
Kinilala ang naturang hukom na si Manila Metropolitan Trial Court Branch 26 Presiding Judge George Emmanuel Lorredo na napatunayang guilty at napatawan ng less grave offense sa reklamong simple misconduct at conduct unbecoming of a judge na may multang aabot sa ₱50,000.
Dahil dito, tatlumpung araw ding hindi makakatanggap ng sweldo si Lorredo dahil sa pagpapakita nito ng diskriminasyon dahil sa paulit-ulit na pagtatanong kaugnay sa sexual orientation ng dalawang LGBT member at pagsasabi na kasalanan ang homosexuality.
Ayon sa Supreme Court, ang panunuya sa kapwa ay hindi tinatanggap sa korte at malinaw na nilabag ni Lorredo ang code of judicial conduct na nag-oobliga sa mga huwes na bigyan ng patas na pagtrato ang mga may kaso at unawain ang kanilang pagkakaiba ng lahi, kasarian, relihiyon, edad, sexual orientation, at social economic status.