Sumabog ang isang IED o Improvised Explosive Device na inilagay sa isang motorsiklo sa Barangay Tambunan, bayan ng Talayan sa lalawigan ng Maguindanao, alas 12:00 ng tanghali, kahapon.
Ayon kay Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th infantry division ng Philippine Army, sumabog ang naturang motorsiklo hindi kalayuan sa isang checkpoint ng AFP at PNP sa naturang lugar.
Batay sa paunang impormasyon na nakarating sa Kampo Aguinaldo, papalapit na umano ang nasabing motorsiklo sa checkpoint lulan ang isang lalaki nang bigla itong bumalik at iniwan na lang ito bago mangyari ang pagsabog.
Bagama’t wala namang naitalang sugatan o nasawi sa naturang pagsabog, pinawi naman ni Encinas ang pangamba ng ilan na may kinalaman sa ikalawang sigwada ng plebesito para sa BOL o Bangsamoro Organic Law.
Sa ngayon ay inaalam pa rin ng otoridad kung anong grupo ang nasa likod ng nasabing pagsabog habang nagdagdag pa ng tropa sa lalawigan ang mga opisyal ng militar at Philippine National Police.