May nawala na umanong isla ang Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Iyan ang ibinunyag ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano bilang pagkagat sa hamon ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Alejano, may mga hawak siyang ebidensya na nagpapatunay na napunta na sa kontrol ng Tsina ang Sandy Cay o isla ng Bailan na bahagi ng Pagasa Island.
Giit ni Alejano, Agosto pa umano nuong isang taon nang postehan at palibutan ang Sandy Cay ng mga barko ng Tsina gayundin ng mga mangingisdang Tsino.
Ang Sandy Cay o Bailan Islet ay bahagi ng mga maliliit na isla, sand bars at bahura na nasa paligid ng Pagasa Island na pinakamalaking isla sa Spratlys na nasa ilalim ng teritoryo ng Pilipinas.
Magugunitang naghamon si Cayetano sa mga kritiko na magbibitiw siya sa puwesto kung mapatutunayang may nawalang isla sa ilalim ng administrasyong Duterte.
—-