Buto’t balat na nang matagpuan ang nasa 20 aso sa isang isla sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ang islang ito, ginawa na palang tapunan ng mga inabandonang aso!
Sinikap ng animal welfare group na Animal Kingdom Foundation (AKF) na mapuntahan ang Dao Dao Island matapos makatanggap ng ulat tungkol sa mga itinapon na aso sa lugar.
Makalipas ang ilang araw na pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, narating nila ang isla kung saan nadiskubre ang mga payat at gutom na aso.
Ayon sa kapitan ng Barangay Poloyagan na si Jimmy Osing, walang nagbabantay sa isla, kaya doon iniiwan ng mga residente ang kanilang mga aso na ayaw na nilang alagaan.
Sa kabutihang palad, nasagip ng AKF ang lahat ng mga aso sa isla. Napa-checkup na rin sila sa beterinaryo at bagaman dehydrated at anemic ang hayop, wala silang malalang sakit.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng AKF at ng kanilang partner animal welfare group ang mga aso.
Iginiit naman ng AKF na ilegal ang pag-abandona sa mga hayop. Labag ito sa Animal Welfare Act na may parusang pagkakakulong at multa.
Kaugnay nito, magsasagawa ang AKF at ang lokal na pamahalaan ng educational campaign sa mga kalapit na barangay sa Dao Dao Island hinggil sa tamang pag-aalaga sa mga hayop.