Isinailalim sa lockdown ang isang street sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Assistant City Administrator Alberto Kimpo isinailalim sa special concern lockdown (SCL) ang bahagi ng King Christian Street sa Kingspoint Subdivision sa barangay bagbag matapos mahawahan ng isang active patient ang tatlo pang indibidwal mula sa parehong bahay at dalawa pang bahay sa lugar.
Sinabi ni Kimpo na 56 na pamilya o 243 indibidwal ang nakatira sa nasabing lugar.
Ipinabatid naman ni Dr. Rolly Cruz, pinuno ng QC epidemiology and surveillance unit ng QC health department na gumulong na ang pamamahagi ng case investigation forms bago sila magsagawa ng polymerase chain reaction bukas, Miyerkules hanggang Biyernes na kailangang isalang dito base na rin sa kanilang assessment.
Samantala nakatakda namang isailalim sa lockdown mamayang 12:01 p.m. ng tanghali ang Block 35, excess lot Soldier Hills sa Barangay Putatan sa Muntinlupa dahil sa tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inihayag ng Muntinlupa City Government na tatagal ang lockdown hanggang Hulyo 7, 11:59 a.m. ng umaga kayat inaabisuhan na nila ang mga residente na maghanda at bumili na ng pagkain, gamot at iba pang mahahalagang kailangan.
Habang naka lockdown ay magsasagawa rin ng mass testing sa mga residente sa nasabing area ng Barangay Putatan.