Pinatawan ng 90-day preventive suspension ng Office of the President (OP) ang isang komisyoner ng National Commission on of Senior Citizens (NCSC) dahil sa iba’t ibang reklamo.
Batay sa apat na pahinang notice of charge na pirmado ni Executive Sec. Lucas Bersamin at may petsang Pebrero 2, 2024, binanggit na epektibo ang suspensiyon laban kay Comm. Reymar Mansilungan pagkatapos nitong matanggap ang abiso.
Nag-ugat ang suspensiyon kay Mansilungan sa reklamo nina Senior Citizen Party-list Reps. Rodolfo “Ompong” Ordanes at Miguelito Garcia, kabilang ang serious dishonesty, gross neglect of duty, grave misconduct, gross insubordination, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Kasunod ng ikinasang preliminary investigation, lumitaw umano na may mga sapat na basehan ang mga alegasyon laban kay Mansilungan.
Napag-alaman na mali ang inilagay na educational attainment ni Mansilungan sa kanyang aplikasyon bilang komisyoner ng NCSC habang sinasabing tumanggap din ito ng bayad mula sa pondo ng gobyerno sa pag-upa sa isang bahay sa Lucena City nang walang resibo.
Maliban dito, inakusahan din si Mansilungan ng paggamit ng pondo ng ahensya para sa kanyang mga pagkain at mga nakakalasing na inumin.