Arestado ng pinagsanib na puwersa ng CIDG o Criminal Investigation and Detection Group at Bureau of Immigration ang isang South Korean national na wanted sa kanilang bansa at nagtatago rito sa Pilipinas.
Kinilala ang 51 taong gulang na pugante na si Oh Seung Jo na naaresto sa isang hotel sa Alabang, Muntinlupa sa bisa ng Inter-Pol red notice at immigration arrest order.
Ayon sa CIDG, nuong isang taon pa nang magtungo rito sa Pilipinas si Seung Jo para takasan ang kaniyang mga nabiktima sa investment scam sa South Korea makaraang makakulimbat ng mahigit 68 Bilyong Korean Won o katumbas ng tatlong bilyong Piso.
Papalit-palit ng pangalan at tinutuluyan ang Koreano habang ipinagpapatuloy nito rito sa Pilipinas ang kaniyang iligal na gawain bagama’t hindi pa matukoy kung may nabiktima na rin itong Pilipino.
Sa ngayon, isinasaayos na ang mga kinakailangang dokumento para sa deportation proceedings sa nasabing Koreano.
By: Jaymark Dagala