Hindi pa man nareresolba ang malagim na kaso ng pagpatay sa Korean businessman na si Jee-Ick Joo, isa namang Koreano ang iniulat na nawawala sa lungsod ng Pasay.
Ito’y matapos humingi ng saklolo sa Pasay City Police ang Korean Embassy dahil sa pagkawala naman ng kanilang kababayan na si Jerry Lee na nanunuluyan sa isang condominium sa Leveriza Street, Barangay 24, ng naturang lungsod.
Sa liham ng Korean embassy sa Pasay PNP, nakiusap ito sa lokal na pulisya na magsagawa ng imbestigasyon sa kaso ni LEE na iniulat na missing noon pang Marso 15.
Batay naman sa tugon ng pulisya sa liham ng embahada, binanggit na nahihirapan ito sa imbestigasyon dahil ang babae na si PIA SALUDAR na unang nag-report sa pagkawala ni Lee ay hindi umano ma-contact.
Gayunman, nangako ang mga otoridad na gagawin nito ang lahat upang matunton ang kinaroroonan ng naturang Koreano.
By: Jelbert Perdez