Nasubukan mo na bang mag-file ng leave sa iyong kumpanya dahil biglang nag-aya ng date ang ka-chat mo sa dating app?
Ang mga empleyado ng isang kumpanya sa Thailand, hindi na kailangang gumawa pa ng palusot para lang makapag-bebe time dahil mayroon silang paid date leave!
Katulad rin ng sick o vacation leave ang date leave na inaalok ng Whiteline Group, isang marketing agency. Upang makapag-avail nito, kailangan munang magbigay ng one-week notice ang empleyado.
Ngunit limited offer lamang ito dahil pwede lamang itong i-file mula July hanggang December 2024.
Bukod sa paid date leave, mayroon ding six months free premium subscriptions sa isang dating app ang mga empleyado.
Ayon sa ulat, isang empleyado ang nagreklamo na wala na siyang oras para makipag-date dahil sa kanyang trabaho.
Upang i-boost ang kanilang well-being, nagsimulang maghandog ang Whiteline Group ng mga nasabing benepisyo, dahil naniniwala rin silang kung matagpuan ng mga empleyado ang kanilang “The One”, mas magiging produktibo sila.