Maniniwala ka ba na dahil sa isang alahas ay isang lalaki ang nakaligtas sa isang tiyak na kamatayan?
Kung paano ito nangyari, alamin.
Ipinakita sa isang post ng Commerce City Police Department sa kanilang official social media page ang mga litrato ng isang metal necklace na nababalot ng dugo at kapansin-pansin din ang yupi rito na may nakabaon palang maliit na piraso ng bala ng baril.
Kung bakit? Iyon ay dahil ang lalaking nagmamay-ari pala ng kuwintas ay napasubo sa isang away sa isa pang lalaki na nauwi sa pamamaril dito.
Pero sa isang pambihirang pagkakataon, sa halip na mabaril sa leeg ang lalaki ay ang kwintas niya ang tinamaan ng bala.
Ayon sa post, ang nasabing kuwintas ay may lapad na ten millimeters at ito ang rason kung bakit nakaligtas ang biktima at nagtamo lamang ng puncture wound mula sa tama ng .22 caliber bullet.
Sinuri naman ng otoridad ang kwintas at lumalabas na may posibilidad na ito ay gawa sa matigas na alloy dahil ang purong silver ay maaaring tagusan ng bala dahil sa lambot nito.
Samantala, arestado naman ang suspek at nahaharap sa kasong attempted homicide.
Ikaw, anong masasabi mo sa pambihirang pangyayari na ito?