Hanggang saan nga lang ba dapat ang limitasyon sa pagkakatuwaan katulad ng pagsasagawa ng mga prank? Ang iba ay sumusobra at nauuwi na sa disgrasya, katulad na lang ng nangyari sa isang lalaki sa India.
Kung ano ang kwento, alamin.
Sa isang CCTV footage, makikita ang nagkukumpulan na mga kabataan sa gitna ng isang eskinita sa Bengaluru, India.
Sa gitna ng mga ito ay may isang lalaking nakaputi na makikitang nakaupo sa isang kahon na iyon pala ay puno ng mga paputok.
Kung paanong napunta sa gaanong sitwasyon ang lalaki? Iyon ay dahil napagkatuwaan siya ng mga kabataan at pinangakuan na bibigyan ng tricycle na tinatawag na auto-rickshaw kung mapagtatagumpayan niya ang challenge.
At hindi nagtagal ay sumabog na nga ang kahon na nagresulta sa pagkatumba ng lalaki sa kalsada. Mabilis pang nakabawi at nakaupo ang lalaki ngunit hindi nagtagal ay unti-unti na itong napahiga sa daan.
Dinala pa nila sa ospital ang 32-anyos na biktima na nakilala na si Shabari na nagtamo ng severe burn injuries sa kaniyang pang-upo, tiyan, at hita. Ngunit nasawi rin ito habang binibigyang lunas.
Ayon naman sa mga nakakita, lasing daw ang lalaki. Habang ang sabi naman ng ina nito ay nagtatrabaho bilang laborer ang kaniyang anak at pauwi na sana ng bahay.
Samantala, ang anim na kabataan naman na nagsagawa ng prank na edad 18-22-anyos ay inaresto at maaaring humarap sa kasong homicide. At sa kasamaang palad, kaibigan pa raw ng biktima ang isa sa mga nagsagawa ng prank.
Ikaw, anong masasabi mo sa masalimuot na prank na ito?