Papansinin at pauunlakan mo ba sa’yong tirahan ang lalaking ito sa Japan na mayroong kakaibang paraan upang maghanap ng matutulugan?
Kung ano ang ginawa ng lalaki, alamin.
Isang 33-anyos na lalaki sa Japan na kinilalang si Shuraf Ishida ang mayroong kakaibang gawain dahil araw-araw lang naman siyang tumatayo sa mga matataong lugar habang hawak ang isang placard na may nakasulat na “Please let me stay over tonight.”
Kung bakit niya ito ginagawa? Iyon ay dahil naglilibot pala sa Japan si Ishida dala-dala lamang ang kaniyang backpack.
Matapos grumaduate ng college ay nagtrabaho si Ishida upang mag-ipon ng pera, at iniwanan ang trabaho sa edad na 28 upang mag-travel.
Bagama’t kakaiba ang kaniyang pamamaraan, mayroong mga mabubuting loob na nagpatuloy kay Ishida sa kanilang mga tahanan at kadalasan daw sa mga ito ay ‘yong mga mag-isang naninirahan at nangangailangan ng kausap.
Sa mga bihirang pagkakataon na walang pumapansin sa kakaibang gimmick ni Ishida ay kinokontak niya na lang ang mga taong nagpatuloy na sa kaniya noon.
Ang ilan dito ay kinukunsidera na siyang kaibigan matapos nilang magkwento ng mga sikreto at pinagdaanan kay Ishida na siya namang nakikinig lamang at hindi nagpapakita ng empathy at hindi rin nagbibigay ng words of encouragement, bagkus ay nagtatanong lang ito sa mga tinatawag niyang “Homeowners.”
Sa interview kay Ishida ng isang local media, sinabi nito na para sa kaniya, ay wala siyang utang sa mga nagpapatuloy sa kaniya at mayabang man daw pakinggan, gusto lamang daw niya ng kaunting kasiyahan.
Marami naman ang pumuna kay Ishida at inakusahan na umaasa lamang sa kabutihan ng ibang tao sa halip na magtrabaho, ngunit ipinagtanggol naman ito ng isang babae, dahil nakakatulong umano si Ishida na ma-overcome niya ang kaniyang mga pasanin sa buhay.
Samantala, bagama’t nababawasan na ang kaniyang ipon, wala raw balak si Ishida na bumalik sa trabaho at mag-iipon na lamang para ma-maintain ang kaniyang lifestyle.
Ikaw, anong masasabi mo sa kakaibang gimmick na ito?