Madalas na nakakalimutan ng mga karakter sa pelikula ang kanilang love interest matapos magkaroon ng amnesia, pero, ibahin niyo ang mala-teleserye na love story na ito ng isang couple mula sa Utah, USA na nagkabalikan pa kahit nagkaroon ng amnesia ang lalaki!
Ang buong kwento, alamin.
Sa isang TikTok video, ikinuwento ni Jenna Brotherson ang kakaibang love story nila ng kaniya na ngayong asawa na si Mitchell Brotherson.
February 2020 nang makipaghiwalay si Jenna kay Mitchell dahil masyado raw siyang na-overwhelm sa mga nangyayari sa kaniyang buhay noong panahon na iyon.
Kinabukasan matapos ang kanilang breakup, nagkaroon naman ng ski accident si Mitchell sa Beaver Mountain sa Utah, kung saan ay ang ulo nito ang talagang naapektuhan ng magtamo ito ng severe concussion.
Sa lakas ng impact ng pagkakabagsak ni Mitchell, imbis na makalimutan si Jenna ay kabaligtaran pa ang nangyari dahil hindi niya naaalala na naghiwalay sila nito bago siya maaksidente.
Nagtaka raw si Jenna kung bakit patuloy pa rin siyang mini-message ng lalaki samantalang hiwalay na sila. Inakala pa raw niya na baka raw masyadong sineryoso ni Mitchell ang sinabi niya na mananatili pa rin silang magkaibigan.
Aniya pa, pinagsisihan niya ang pakikipaghiwalay kay Mitchell dahil sobrang thoughtful at kind nito at tinutulungan pa siya sa tuwing siya ay may kinakaharap na problema.
Pinag-isipang mabuti ni Jenna ang kanilang break-up pagkalipas ng isang buwan at nang kausapin si Mitchell para yayain na makipagbalikan ay doon na napagtanto ng babae na wala palang ideya ang lalaki na sila ay hiwalay na!
Gayunpaman, apat na taon na silang nagsasama ngayon matapos mag-propose ni Mitchell noong August 2020 at ilang linggo lang ang nakalipas ay nagpakasal din pagdating ng September 4.