Ano ang gagawin mo kung isang araw ay bigla na lamang pinatanggal ng landlord ng apartment na inuupahan mo ang pinto at bintana ng kuwarto mo nang wala man lang abiso?
Ang dahilan ng landlord? Alamin.
Noong December 20 sa isang lugar sa Northern France na tinatawag na Pas de Calais, bigla na lamang dumating sa isang property ang mga trabahador at tinanggal ang pinto at bintana na inuupahan ng isang tenant na nanay.
Ayon sa tenant, sinabi raw sa kaniya na papalitan lamang ang pinto at bintana sa kanilang inuupahan, ngunit bigla na lamang umalis ang mga trabahador matapos ilagay sa isang sasakyan ang mga tinanggal na pinto at bintana.
Sa kasamaang palad pa ay nataon sa kasagsagan ng taglamig sa nasabing lugar noong nangyari ang insidente.
Bukod pa riyan, maaari ring malagay sa panganib ang pamilya ng tenant dahil sa kawalan ng seguridad sa kanilang tinutuluyan.
Kaya naman, wala nang nagawa ang nanay kundi gumamit na lamang ng cardboard upang ipangtapal sa pintuan at bintana para maibsan ang lamig.
Pero ano nga ba ang dahilan ng landlord para gawin ito sa kaniyang kawawang tenant?
Napag-alaman sa pamamagitan ng isang local media na ang dahilan kung bakit ito nagawa ng landlord ay para paalisin ang nasabing tenant na mayroon daw utang na limang buwan na renta.
Sinabi rin ng tenant sa isang local media na sinubukan daw niyang mag-reach out sa kaniyang landlord ngunit hindi niya ito makausap.
Gayunpaman, inako at inamin naman ng landlord ang ginawa niyang pagpapaalis sa tenants sa maling paraan, lalo pa at taglamig noon at iligal ang pagpapaalis sa mga tenant kapag malamig ang klima sa France at sa maraming bansa sa Europe.
Samantala, nagsampa naman ng reklamong Breach of Trust ang tenant na naghahanap na ng malilipatan.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung ikaw ang mapunta sa ganitong sitwasyon?