Sisimulan na ng MMDA o Metropolitan Development Authority ang isang linggong dry run para sa HOV o High Occupancy Vehicle scheme bukas, Disyembre 11.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager for planning Jojo Garcia, layunin nito ang hikayatin ang mga may-ari ng pribadong sasakyan na mag-carpooling o magsama ng isa o higit pa para mabawasan ang mga dumaraang sasakyan sa EDSA.
Paliwanag ni Garcia, sa nabanggit na sistema, tanging ang mga may sakay na dalawa o higit pa ang papayagang dumaan sa innermost o pinaka-kaliwang bahagi ng EDSA.
“Hindi pisikal na tinanggal yung vehicle. In-encourage po natin sila na magsama sa sasakyan like yung carpooling or HOV. Dito po pag dalawa po kayo sa laman ng sasakyan, 2 or more, bibigyan na po ng ano sa lane na to. Ito po yung pinaka kaliwa po katabi ng MRT. Ito po ang papayagan natin dito, yung dalawa po ang sakay sa mas marami. So dito po, ine-engganyo namin sila na magsama nalang sa isang kotse atleast mababawasan po tayo”.
Gayunman, paglilinaw ni Garcia na hindi naman tuluyang ipagbabawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA na meron lamang isang sakay at papayagan pa rin itong dumaan sa third at fourth lane o ang motorcycle lane.
Dagdag pa ni Garcia, wala ring huhulihin sa mga makikitang lalabag sa nasabing dry run.
“Ito lang din po ang panawagan namin sa mga motorista, hindi po porket walang huhuli, walang penalty ay hindi na po tayo susunod. Ito po ay dina-dry run natin para po talaga mapag-aralan kasi alam naman po natin na kapag sa computer lang po natin pinag-aralan, eh ito po yung mga perfect system, eh mahigit kalahati ho siguro ng mga motorista natin sa EDSA ay pasaway. So sa amin lang po sana ay sumunod po tayo. Tingan natin kung maiaayos pa natin ang ating mga ugali, at ang ating pagdidisplina sa pagmamaneho.”