Kahit diabetic at sakitin na, hindi pa rin mapilit ng mga doktor ang 70-anyos na si Roberto Pedreira mula sa Bahia, Brazil na uminom ng tubig.
Sa halip, soft drinks lamang ang iniinom niya araw-araw!
50 years nang hindi umiinom ng tubig si Roberto. Nang tanungin kung bakit, ang sagot niya lamang: ayaw niya nito.
Noong maospital siya dahil sa COVID-19, binigyan niya ng mahigpit na instruction ang mga doktor at nurse na cola lang ang iinumin niya.
Kumalat sa social media ang care chart ni Roberto at akala ng karamihan, biro lamang ito.
Ayon sa kanyang apo na si Joao Victor, kahit sino naman ay hindi maniniwala rito, ngunit kinumpirma niyang totoo ito.
Bukod sa diabetes, mayroon na ring heart problems si Roberto. Gayunman, hindi ito sapat na dahilan para sa kanya upang tigilan ang pag-inom ng soft drinks. Nakikipagtalo pa nga siya sa mga doktor tuwing sinasabihan siyang uminom ng tubig!
Pagdidiin ni Roberto, hindi siya natatakot na mamatay. Aniya, nanalo na siya sa buhay dahil 70 years old na siya.
Hindi man mapagsabihan na uminom ng tubig, ibinahagi ni Joao na iniingatan naman ng kanyang lolo ang sarili nito. Regular itong nagpapa-check up at iniinom ang mga gamot na inirereseta sa kanya ng mga doktor.
Kaugnay nito, nagbabala naman ang nutritionist na si Greice Furlanetto Arraes na hindi maaaring maging pamalit sa tubig ang soft drinks dahil mayaman ito sa sugar, additives, at calories na nagpapataas sa risk ng diabetes at iba pang mga malalang sakit.