Bahagyang nagkatensyon sa isang check point sa Marawi City kahapon makaraang lumusot at hindi huminto ang convoy ng ilang sasakyan duon
Batay sa ipinakitang video footage, dali-daling dumiresto ang convoy ng may dalawang kulay itim na sasakyan papasok sa lugar kung saan mainit ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng Maute group
Ayon sa mga Sundalo, mahigpit ang seguridad na kanilang ipinatutupad sa pagpasok sa lungsod at tanging ang may mga pahintulot lamang ang maaaring makapasok
Napag-alamang isang dating konsehal ng lungsod ang may-ari ng nasabing mga sasakyan kung saan, bumalik ito sa check point para ipabatid na kanila lamang iniligtas ang kaniyang lolo na naipit sa gulo sa loob
Dahil dito, pansamantalang hinold ng mga awtoridad ang dating konsehal gayundin ang mga kasama nito para isailalim sa malalimang imbestigasyon.
By: Jaymark Dagala