Isang low pressure area (LPA) ang namataan ng PAGASA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang nasabing LPA, ayon sa PAGASA, ay pinakahuling namataan sa layong 640-kilometro silangang bahagi ng Guiuan, Eastern Samar.
Sinabi ng PAGASA na malayo pa namang makaapekto sa anumang bahagi ng bansa ang naturang LPA na hindi pa naman nagdadala ng masamang panahon, bagamat posible itong lumakas at maging ganap na bagyo.
Mayroon anitong apat na track na binabantayan ang PAGASA na posibleng tahakin ng sama ng panahon na sakaling maging bagyo ay tatawaging “Butchoy”.
Samantala, dalawa hanggang tatlong bagyo, ayon sa PAGASA, ang maaaring pumasok sa bansa sa buwang ito.