Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang Low Pressure Area o LPA sa bahagi ng Bicol Region.
Batay sa datos ng PAGASA huling namataan ang nasabing sama ng panahon ng layong 435 kilometro silangan ng Legaspi City, Albay.
Bagama’t mababa pa rin ang tsansa na maging ganap itong bagyo magdudulot naman ito ng maulap na papawirin na may kasamang mahina hanggang sa katamtamang lakas ng pagulan sa silangang bahagi ng Visayas.
Samantala patuloy pa ring umiiral ang southwest monsoon o hanging habagat na nakaaapekto sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes at Babuyan Group of Islands.
Inaasahang magdadala ito ng mahina hanggang sa katamtamang lakas ng pag-ulan sa mga nasabing lugar.
Habang mananatiling maaliwalas ang panahon sa Metro Manila at nalalabi pang bahagi ng bansa maliban na lamang sa posibilidad ng mga panaka-nakang pag-ulan.
—-