Isinailalim ang Sitio 6 ng barangay Catmon sa Malabon sa “special concern lockdown”, kaninang hating gabi.
Tatagal ng limang araw o hanggang sa Hunyo 21 ang naturang lockdown.
Ayon kay Brian Manapat, kapitan ng barangay Catmon, minabuti niyang sumulat kay Malabon Mayor Lenlen Oreta na isailalim sa lockdown ang Sitio 6, dahil sa patuloy na umaakyat na bilang ng mga nagpopositibo rito sa virus.
Base kasi sa tala ng health office ng lungsod, aabot sa 22 ang naitalang kasi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), habang 11 naman dito ang gumaling na o nakarekober sa sakit.
Kasunod nito, mahigpit na ipagbabawal ang paglabas-masok sa compound, ito’y kahit pa frontliner o empleyado ng isang kumpanya ang indibidwal.
Maaari naman daw lumabas ang mga ito, pero papayagan na lamang makapasok sa kanilang lugar, oras na matapos ang umiiiral na ‘special concern lockdown.’
Samantala, kinurdunan na rin ang buong compound at tinauhan na rin ito ng mga tanod ng barangay para magpatrolya.