Nitong mga nakaraang araw, nakaranas na naman ng matinding pagbaha ang ilang bahagi ng bansa dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Matagal nang problema ang baha sa Pilipinas. Ngunit ang Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig, nakahanap ng solusyon upang maiwasan ito.
Sa ilalim ng Burgos Circle, nakatago ang isang napakalaking water detention tank kung saan naiimbak ang tubig-baha.
May lalim itong 12 meters o katumbas ng apat na palapag na gusali. Kaya nitong mag-imbak ng hanggang 22 million liters ng tubig na katulad sa 8 Olympic-sized swimming pools.
Kapag tumigil na ang ulan, ipa-pump ang naipong tubig sa Balisampan Creek na dadaloy patungong Ilog Pasig.
Pinag-isipan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gayahin ang underground water impounding structure ng BGC upang matugunan ang hindi mawala-walang problema sa baha, partikular na sa Metro Manila. Gayunman, nananatili pa ring hamon ang paghahanap ng angkop na lokasyon para rito.