Paraiso para sa mga hayop, partikular na sa mga pusa, ang lungsod ng Istanbul sa Turkey.
Dito, hindi itinataboy ang mga pusa. Maging ang mga aso, malayang nakakagala sa mga lansangan nang hindi sinasaktan at ginugutom.
Kahit saan ka mapadpad sa Istanbul, hindi mawawala ang mga pusa. Sila ang sasalubong sa iyo sa bus stops, ferries, parks, at maging sa restaurants.
Walang nagmamay-ari sa mga pusa rito, ngunit tinitiyak ng mga residente na mayroon silang pagkain, inumin, at lugar na matutulugan.
Itinuturing na “quintessential pet” sa Islam ang mga pusa dahil sa taglay nitong kalinisan. Dahil higit sa 99% ng populasyon sa Turkey ay Muslim, itinuturo itong rason kung bakit alagang-alaga sa Istanbul ang mga pusa.
Kahit iba man ang relihiyon, maaari pa rin natin subukang gawing paraiso para sa lahat ng hayop ang sarili nating lugar; dahil ayon nga sa mga taga-Istanbul, ang mga taong hindi marunong magmahal sa mga hayop ay hindi kayang magmahal nang tunay sa iba.