Patay ang isang Lumad leader at kanyang anak matapos pagbabarilin ng mga hinihinalang rebelde na nagpanggap bilang mga sundalo sa kanilang tahanan sa Talaingod Davao del Norte.
Ayon kay Eastern Mindanao Command Spokesperson Major Ezra Balagtey, kinilala ang mga biktima na sina Banadjao Mampaundang at anak nitong si Jhonard na kabilang sa mga katutubong Ata-Manobo.
Batay sa imbestigasyon, nasa loob lamang ng kanilang tahanan ang mag-amang Manpaundang nang pasukin ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang mga sundalo at pinagbabaril ang mga ito.
Dagdag ni Balagtey, nagpasabog pa ng bomba ang mga salarin dahilan kaya nahirapan ang ambulansya na dalhin ang mag-amang biktima sa pinakamalapit na ospital.
Ang insidente ay nangyari, ilang araw lamang matapos na makipagkita si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Mindanao Lumad leaders sa Davao City.
Posted by: Robert Eugenio