Tatlo katao ang patay matapos pagsasaksakin sa Cainta, Rizal.
Kinilala ang mga biktimang sina Angelica Antonio Manaloto, 24 na taon, anak na si Nica Manaloto Mangi, 4 na taon at pamangking si Renz Orly Manaloto Trinidad, 7 taong gulang.
Ayon kay Rizal Provincial Police Director, Col. Dominic Baccay, dakong ala 7 ng umaga noong Miyerkules nang madiskubre ang duguang bangkay ng mga biktima sa loob mismo ng kanilang bahay sa Rizal Street, Barangay San Juan.
Batay sa imbestigasyon, dumating ang kapatid ni Angelica na si Erickson Manaloto sa kanilang bahay at kumatok nang ilang beses pero hindi ito pinagbuksan.
Napansin din na bukas ang pintuan sa gilid ng kanilang bahay kaya’t nagtulong-tulong ang mga kapitbahay na buksan ang main gate at dito na tumambad sa kanila ang mga biktima.
Inaalam na ng mga otoridad ang motibo sa pagpaslang at sinisilip na rin kung may CCTV na malapit sa crime scene upang matukoy ang mga salarin.