Suportado at nakikiisa si Senador Manny Pacquiao sa apela ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa China, na alisin na ang kanilang militia fishing boats na nasa paligid ng Julian Felipe Reef na sakop ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf.
Nilinaw ng senador na nakikiisa siya sa mga Chinese at mga kapatid na bansa sa asya sa mga isyung may epekto sa lahat ng Asyano.
Pero kailangan anyang sama-samang manindigan ang lahat sa paghahanap ng makatarungan, mapayapa at maprinsipyong solusyon sa mga bagay na may kinalaman sa buong asya, lalo na sa usapin ng pag-angkin sa mga teritoryo West Philippine Sea.
Pahayag ni Pacquiao, maaaring mai-angat ng China ang lebel ng kanilang bansa bilang isang “unifying force” o maging daan para sa pagkakaisa ng lahat sakaling simulan na nitong makinig sa umiiral na international laws kabilang Ang United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sinabi ng mambabatas, na ito’y isang “neighborly gesture” ng pagkakaunawaan at tunay na pakikipag-kaibigan.
Bunsod nito umapela ang senador sa mga lider ng China na ipatigil na ang gumagapang na okupasyon ng Chinese vessels at paalisin na ang mga mangingisdang Chinese sa Julian Felipe Reef.
Mungkahi pa ng senador na sa halip na palawakin at okupahin ang mga pinag-aawayang mga teritoryo, mas mabuting panatilihin ng China ang kabutihang loob at pakikipag-kaibigan sa mga karatig bansa nito at ituring ang buong rehiyon bilang isa sa pinakarespetadong global power sa buong mundo.