Patay ang isang mangangaso matapos aksidenteng mabaril ng kapwa nito mangangaso sa Mt. Alibut-tung sa Ifugao.
Kinilala ni Cordillera Police Regional office Director, Brig. Gen. Mafelino Bazar ang nasawi na si Freddie Ananayo Yogyog, 43- anyos habang ang suspek ay si Lener Tobiagon, 28- anyos.
Kapwa magsasaka ang mga ito na nakatira sa Bokiawan, Kiangan.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, naghahanap ng mahuhuling usa sina Yogyog at Tobiagon pero nabigo ang mga ito kaya napagpasyahan na lang na umuwi.
Ngunit nang pauwi na, dito sila nakakita ng bakas ng paa ng usa kaya nagdesisyon silang hanapin ito.
Makalipas ang ilang minuto, may nakita si Tobiagon na gumalaw sa damuhan kaya binaril niya ito.
Pero napagtanto niyang ito pala ang kaniyang kaibigan na agad ding binawian ng buhay.
Kusa namang sumuko sa Kiagan Municipal Station ang suspek.