Isang minahan sa Barangay Gamuton, Carrascal Surigao del Sur ang gumuho dahil sa Bagyong Basyang.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Romina Marasigan, meron nang mga naiulat na casualty sa nangyaring landslide.
Gayunman hindi pa makapagbigay ng detalye si Marasigan dahil patuloy pa aniyang kinukumpirma ng Department of Interior and Local Government ang kabuuang bilang at pagkakakilalanlan ng mga ito.
Aniya, ang Barangay Gamuton ay isa sa kanilang mga tinukoy na landslide prone areas sa Surigao del Sur.
Dagdag ni Marasigan, kanila nang pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan na ilikas na ang mga residenteng naninirahan sa iba pang mga lugar na natukoy bilang landslide prone areas.
Sa ngayon ay nasa dalawang libong mga residente na ang nailikas mula sa Surigao del Norte at Surigao del Sur na pansamantalang nanunuluyan sa labing pitong mga evacuation centers.
Bukod dito, may naiulat ding insidente ng soil erosion sa Barangay Poblacion Ilaya sa Cuartero, Capiz habang nagsasagawa rin ng rescue operations sa Surigao del Norte dahil sa pagragasa ng tubig.