Isang misa ang idinaos ngayong araw sa simbahan sa Marawi City na dating kinubkob ng mga teroristang Maute.
Batay sa mga litratong ipinadala sa media ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Ranao, makikita ang mga sundalo habang nasa misa sa loob ng St. Mary’s Cathedral na nabawi ng militar nitong Agosto 24.
Bakas pa rin hanggang ngayon ang mga tama ng bala sa bubong at pader ng simbahan.
Nasa altar naman ang mga sira-sirang imahe ng mga santo at ni Hesu Kristo na winasak ng mga Maute.
Sa simbahang ito dinukot si Father Chito Suganob.
Ito din ang simbahang nasa video na inilabas noon ng grupong Maute kung saan ipinakita ng mga terorista ang pagsira nila at pambabastos sa mga rebulto at iba pang kagamitan sa loob ng simbahan.
Nataon ang misa sa araw ng pista ni St. Therese na siyang patron ng mga sundalo at sa araw ng ika-apat na anibersaryo nang pagkakalaya ng Zamboanga City mula sa mga rebeldeng Moro.