Patay ang isang pulis na miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) nang aksidenteng maputukan ng baril habang naglilinis kasama ang kanyang mga kabaro sa San Pablo City Police Station sa Laguna.
Batay sa ulat ng Police Regional Office – CALABARZON kinilala ang biktima na si Police Corporal Fhrank Aldene Yasay Dela Cruz, 30 taong gulang.
Ayon sa kwento ng suspek na si Police Corporal Mervin Cañeta Duran, 31 taong gulang nililinis nila ng biktima at iba pang kasamahan nito ang kanilang baril para sa inspeksyon pasado alas-9:00 kaninang umaga.
At nang tanggalin niya ang magasin ng kanyang Taurus TS 99 mm service firearm at aalisin ang balang nakalagay ay bigla na lamang itong pumutok at tinamaan sa kanang dibdib ang biktima.
Agad namanag isinugod sa San Pablo Community General Hospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)