Kinumpirma ni Malay Mayor Frolibar Bautista na isang babaeng miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagtungo sa Boracay ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Bautista, kabilang ang COVID-19 positive sa grupo ng mga kawani ng BFP mula sa Iloilo at Kalibo na ‘di umano’y dumalo sa isang conference, batay na rin sa nakasaad sa kanilang nilagdaang health declaration.
Pumasok anya ang grupo noong June 12 at umalis ng June 14 bago pa ang pagbubukas ng Boracay sa mga turista ng Western Visayas nitong June 16.
Sa contact tracing anya na kanilang isinagawa ay umabot na sa 9 ang kanilang inilagay sa quarantine.
Sinabi ni Mayor Bautista na nakakalungkot ang nangyari dahil kawani pa ng gobyerno ang lumabag sa quarantine protocols at nakasira sa imahe ng Boracay na COVID-19 free sa nagdaang ilang buwan.
Posible anyang ang insidente ay nakaapekto sa pagbubukas ng Boracay kaya’t kakaunti pa lamang ang mga turistang pumasok sa unang araw ng kanilang operasyon.
Samantala, tinanggalan na ng certificate to operate ng Department of Tourism (DOT) ang hotel kung saan namalagi ang mga tiga BFP.