Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos maka-engkuwentro ang mga tropa ng army’s 82nd infantry battalion sa bayan ng Piagapo, Lanao Del Sur.
Kinilala ni 82nd Ib Commander Lt/Col. Rafman Altre ang nasawing NPA na si Jarir Usman, 28 anyos at residente ng Raya Saduc, Marawi City.
Ayon kay Altre, nagsasagawa lamang aniya ng focus military operations ang kanilang tropa nang makasagupa ang hindi mabilang na mga rebelde na tumagal ng 15 minuto.
Wala namang nalagas sa panig ng mga sundalo habang may mga naitalang sugatan sa panig ng mga rebelde batay sa bakas ng dugo sa mga dinaanan nito habang tumatakas.
Agad namang ibinigay ng mga sundalo sa mga lokal na opisyal ng barangay Gacap ang labi ng nasawing NPA para isailalim sa tamang pagsasaayos.