May kaugnayan sa isang empleyado ng Metro Rail Transit (MRT) 3 ang isa sa 19 na naitalang bagong kaso ng UK COVID-19 variant sa bansa.
Batay ito sa isinagawang contact tracing ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, natukoy ang naturang pasyente bilang isang 46 anyos na babaeng residente ng Pasay City na may anak na nagtatrabaho sa MRT-3.
Enero 25 aniya nabatid na positibo ito sa COVID-19 at kasalukuyang sumasailalim sa home quarantine.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire na konektado ang kaso ng naturang babaeng pasyente sa MRT cluster.
Magugunitang noong nakaraang buwan ay isinailalim sa enhanced access control ng Department of Transportation ang MRT-3 depot matapos na magpositibo sa COVID-19 ang 42 personnel nito.