(Story By Raoul Esperas)
Nakabalik na sa Pilipinas ang isang inabandonang OFW o Overseas Filipino Worker na sinasabing may sakit sa pag-iisip na una nang nag-viral sa social media.
Kinilala ang OFW na si Karsoma Utobara na tubong Pagadian City, na namataang nag-iisa at paikot-ikot lamang sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 nitong Lunes.
Ayon kay Airport Transport Liason Officer Suzette Nueva na nakapansin kay Utobara, hindi maka-usap ng maayos ang pasahero sa kanyang mga pagtatanong, at sa halip ay sinundan lamang siya nito saan man siya magpunta.
Aniya nakapag-kuwento lamang si Karsoma nang alukin niya ito ng makakakain kung saan nakatulong ito upang ma-locate niya ang mga kamag-anak nito.
Napag-alaman sa mga kaanak na umalis si Karsoma sa Pagadian upang magtrabaho sa Kuwait.
Ngunit kamakailan lang ay nag-viral ang video nito sa social media kung saan makikitang inabandona lamang sa Riyadh airport ang naka-wheelchair na OFW.
Sa tulong ni Nueva ay nabilhan ng ticket si Karsoma at sa ngayon ay pauwi na sa kanyang mga magulang na nasa Pagadian.
Sinabi ni Nueva na napakahalagang makasama ni Karsoma ang kanyang pamilya upang maibalik sa normal ang buhay nito.
Pinapurihan naman ni MIAA General Manager Ed Monreal ang kabutihan at tulong na ibinigay ni Nueva sa nangangailangang OFW.
—-