Patay ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) nang mabaril ng security guard sa kanyang pinagtatrabahuhang kumpanya sa Saudi Arabia matapos naman ito mag-amok.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa konsulada ng Pilipinas sa Jeddah, Miyerkoles ng gabi nang saksakin ng hindi pa pinapangalanang OFW ang kanyang katrabahong Pakistani national matapos silang magtalo.
Sunod namang sinaksak ng nasabing OFW ang kaniyang manager na isang Saudi national gayundin ang ilan pang katrabaho nagtangkang umawat sa kanya.
Agad rumesponde ang security personnel ng kumpanya pero nabaril at napatay nito ang nag-amok na OFW.
Nabatid namang nasawi rin ang Pakistani national na katrabaho ng nagwalang OFW at ang kanyang manager.
Samantala nagpadala na ng mga kinatawan ang konsulada ng Pilipinas sa Jizan para makakuha ng mga karagdagang impormasyon sa insidente habang nangako rin ito ng tulong sa pamilya ng nasawing OFW.
—-