Nagpositibo sa corona virus disease 2019 (COVID-19) ang isang Pilipinong manggagawa sa Macau matapos magbakasyon sa Pilipinas.
Ayon sa Macau Novel Coronavirus Response and Coordination Centre, lumipad ng Pilipinas ang 31 anyos na Pilipino noong Enero 26 para bisitahin ang mga kaanak.
Bumalik ito ng Macau matapos dumaan ng Hong Kong noong Marso 16.
Tatlong araw umano ito nakaranas ng pananakit ng ngipin at mga rashes bago nagpasiyang magpasuri sa Kiang Wu Hospital sa Macau noong Marso 17.
Matapos lumabas na positibo sa virus ang nabanggit na Pinoy, agad itong isinailalim sa isolation sa isa pang ospital sa Macau.
Nagsagawa na rin ng paglilinis sa mga lugar na pinuntahan ng nabanggit na Pinoy gayundin sa contact tracing ng lahat ng mga nakasalamuha nito.
Ang nabanggit na OFW ang 15 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Macau kung saan 10 na sa mga ito ang nakarekober at lumabas na ng ospital.