Isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nahaharap sa parusang kamatayan sa Saudi Arabia ang umaapela ng tulong sa gobyerno ng Pilipinas bilang kanyang Christmas wish.
Ayon kay DWIZ Anchor Susan Ople, Pangulo ng Blas Ople Policy Center, nangangailangan ang pamilya ni Joselito Zapanta ng P25 million pesos bilang pandagdag sa hinihinging blood money ng pamilya ng napaslang niyang Sudanese.
Magugunitang P50 million pesos o 5 million Saudi riyals ang hinihingi ng pamilya ng Sudanese landlord na napatay ni Zapanta na kinalauna’y ibinaba sa P48 million pesos.
Gayunman, P23 milyong piso pa lamang anya ang nalilikom ng mga kaanak ng Pinoy.
Naaresto at nahatulan ng kamatayan si Joselito matapos mapatay ang kaniyang Sudanese landlord dahil sa alitan.
Umaasa naman si Migrante International Chairperson Connie Regalado na maisasalba ang buhay ng nasabing OFW.
“Ito yung nakakaantala kung bakit hindi pa hanggang sa ngayon nadedesisyunan itong kay Joselito Zapanta, so far upheld na yung kanyang execution so yun ang isang nakakakabang sitwasyon dahil sa anytime kagaya ni Carlito Lana noong last December, nalaman na nga lang ng pamilya sa TV na napugutan na, so far dito yung situation di natin alam kung saan patutungo pero ang pinag-uusapan ngayon ay kailangang mabuo yung blood money.” Ani Regalado.
By Drew Nacino | Allan Francisco | Ratsada Balita