Patay ang isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Kinilala ang biktima na si Correction Officer 1 Porferio Bergula na pinagbabaril sa harap ng isang kainan malapit sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nasa harap ito ng kainan matapos mamalengke na biglang pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima na nagtamo ng tama ng bala malapit sa puso nito.
Nakuha naman ng mga otoridad ang apat na basyo ng bala ng kalibre 45 sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa pagpatay kay Bergula.