Binulabog ng bomb threat ang isang pribadong ospital sa Tagbilaran City Bohol alas-2:00 ng hapon, kahapon.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga miyembro ng SWAT o Special Weapons and Tactics, Quick Response Team at Explosive and Ordinance Team ng Tagbilaran sa Borja Family Hospital matapos na makatanggap ng tawag ang information desk officer nito na may nakatanim na bomba sa nasabing ospital.
Hinalughog ng mga awtoridad ang pitong palapag ng nasabing ospital habang pinalabas ng gusali ang lahat ng mga pasyente, doktor at personnel nito.
Alas-5:00 na ng hapon nang pabalikin sa loob ang mga pasyente matapos matiyak at madeklarang malinis mula sa bomba ang gusali ng nasabing ospital.
Sinabi naman ni Bohol Provincial Police Office Chief Senior Supt. Felipe Natividad na hindi konektado sa ginaganap na meeting ng ASEAN o Association of Southeast Asian Nation 34th Maritime Transport Technical Working Group sa Panglao ang nasabing bomb threat.
Tiniyak din ni Natividad na wala silang natatanggap na anumang banta sa seguridad sa ASEAN meeting sa Panglao.
—-