Isinara na muna ang St. Dymphna Isolation Facility sa Imus City dahil sa kawalan ng pasyente.
Ayon kay Dr. Ferdinand Mina, Officer-In-Charge ng Imus City Health Office, naka-home quarantine na lamang ang natitirang 12 aktibong kaso kung saan 10 dito ang walang sintomas habang dalawa ang mild cases.
Wala na ring naitalang moderate, severe, at kritikal na kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sinabi pa ni Mina na isa hanggang dalawa na lamang ang average na bilang na kaso ng COVID-19 kada araw sa siyudad.
Tiniyak naman ni Mina na handa pa rin ang isolation facility ng lungsod at COVID-19 wards sa mga ospital sakaling magkaroon muli ng mga pasyente. —sa panulat ni Hya Ludivico