Pansamantalang isinara ang Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Binondo, Maynila dahil sa pagdami ng COVID-19 patients at maraming kawani nito ang tinamaan na rin ng sakit.
Ang pansamantalang pagsasara ng nasabing pagamutan ay epektibo mula alas-8 ng gabi nitong Sabado.
Ayon sa pamunuan ng ospital, ang bilang ng COVID-19 patients na naka-admit ngayon ay higit pa sa bilang ng kanilang hospital beds.
Kinakailangan anilang gawin ang naturang hakbang upang ma-discharge o di kaya’y mailipat sa quarantine facilities ang mga pasyente sa tulong na rin ng Manila Health Department.
Pinayuhan naman ng ospital ang publiko na magtungo nalang muna sa iba pang mga pampublikong pagamutan sa lungsod.
Samantala, pansamantala ring itinigil ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo, Maynila ang pag-aadmit ng COVID-19 patients sa kanilang emergency room dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng COVID-19 infections sa kanilang mga empleyado at personnel.