Tinatayang isandaan (100) katao ang sugatan sa nagpapatuloy na sunog sa isang factory ng House Technology Industries (HTI) sa export processing zone authority sa General Trias, Cavite.
Pasado alas-6:00 kagabi nang sumiklab ang apoy sa factory ng HTI na pagawaan ng mga styrofoam, kahoy at pintura.
Ayon kay Cavite Governor Jesus Crispin “Boying” Remulla, nasa tatlundaang (300) katao ang nasa loob ng gusali nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag kung saan dalawang pagsabog ang narinig.
Dakong alas-8:00 nang itaas ng Bureau of fire Protection sa Task Force Charlie ang naturang sunog habang pasado alas-12:30 kaninang hatinggabi nang ma-control ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog.
Inaalam na ang sanhi ng pagkalat ng apoy at halaga ng mga napinsala o natupok na ari-arian.
Halos dalawandaang (200) empleyado ang sinasabing “unaccounted” pa o pinaniniwalaang na-trap habang tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng HTI.
Samantala, tukoy na ang pagkakakilanlan ng ilan sa mga biktima ng nasusunog na factory.
Ayon kay dating Cavite Governor Jonvic Remulla, halos limampung (50) empleyado ng HTI factory ang isinugod sa Divine Grace Medical dahil sa mga natamong 1st hanggang 3rd degree burns.
Kinilala ang ilan sa mga ito na sina Melvin Molina, Rene Aureliana, Julie Bien Gatiman, Jennifer Piedad, Bryan Nepal, Melvin Molina at Jessel Nimar.
By Drew Nacino | Report from: Jopel Pelenio (Patrol 17)