Katarungan ang sigaw ng isang pamilya sa Calbayog City sa Lalawigan ng Samar.
Ito’y dahil sa sunud-sunod na pagpatay at pagtatangka sa mga miyembro ng pamilya Rumohr dahil sa away pamilya o “family feud”.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ng pamilya Rumohr, tila inuubos ng mga salarin ang pamilya bagama’t iginiit nito na wala namang ibang naka-alitan maliban sa ilang ka-anak dahil sa negosyo at lupain.
Kabilang na rito aniya ang mga kapatid ni Ovarah Rumohr na sina Ignacio at Henry na nakaligtas sa tangkang pagpatay habang ang iba naman ay walang awang pinapatay.
“maliwanag ang motibo na gustong ubusin ang kanilang pamilya. Wala naman silang nakakaalitan liban lamang sa mga kamag-anak nila ng dahil lamang sa awayan sa lupain at negosyo.” wika ni Atty. Baligod.
Babala naman si Ovarah sa mga ka-anak nilang posibleng nasa likod ng mga pagpatay sa kanilang pamilya na may kalalagyan ang mga ito at aabutin ng kamay ng batas.
“Sa aming mga kamag-anak na nasa likod nito, alam nyo kung sino kayo! Nasa Calbayog man kayo o wala, nasa labas man kayo ng bansa, mahahagip kayo ng hustisya at sisikapin namin na mabubulok kayo sa bilangguan. Hindi namin kaya ang mga masamang gawain ninyo, pero lalabanan namin kayo sa pamamagitan ng batas at hustisya!” wika ni Ovarah.
Dahil dito, sinabi ni Ovarah na handa silang magbigay ng 1 milyong pisong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kung sino ang nasa likod ng mga pagpatay sa kanilang kapamilya.
Maliban dito, handa rin ang pamilya Rumohr na bigyan ng pabuya ang mga inupahang salarin sa pagpatay kung sila’y susuko at maituturo ang mastermind.
“Sa mga nagpapagamit na gun for hire at mga handler nito… kami po ay nananawagan sa inyo… matutunton kayo ng batas kung sino kayo dahil may mga cctv na mapagkukunan nito sa malapit na hinaharap… sa halip na kayo ang magdusa nais naming i-abot sa inyo ang aming kamay na may pagsusumamo ng awa. Alam namin na ang kahirapan ang nagtulak sa inyo para pasukin ang ganitong gawain,” panawagan ni Ovarah.