Isang Pinoy ang napaulat na inaresto sa kasagsagan ng kilos protesta sa Mongkok, Hongkong noong Sabado ng gabi.
Kinilala ito na si Jethro Pioquinto, 36 anyos na empleyado ng Hong Kong Disneyland.
Ayon sa kaibigan ni Pioquinto, naglalakad lamang sila sa isang sa kalsada sa bahagi ng Mongkok kung saan ginaganap ang kilos protesta nang biglang dakipin ng pulisya ang kaibigan.
Batay sa ulat, ikinulong si Pioquinto sa Hong Kong North Point Police Station.
Sinabi naman ng isang grupo ng mga abogado na tumutulong sa mga dinadakip na nagpoprotesta, labag sa batas ng Hong Kong ang pagpapakulong kay Pioquinto sa North Point Police Station.
Anila, dapat dinadala sa pinakamalapit na police station ang mga inaaresto na taliwas sa ginawa kay Pioquinto na nadakip sa Mongkok na bahagi ng Kowloon peninsula habang nasa Hong Kong Island naman ang North Point Police Station.
Sa kasalukuyan, humihingi na ng tulong sa Philippine Consulate si Pioquinto gayundin ng doktor na titingin sa tinamong sugat matapos hampasin ng pulisya habang ito ay inaaresto.