Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs o DFA na kabilang ang isang Pilipino sa mga nasawi sa wildfires sa North California.
Hindi pa kinikilala ng DFA ang nasawi subalit nakipag-ugnayan na di umano ang Consulate General sa San Francisco sa pamilya nito para sa kaukulang ayuda na puwedeng ibigay ng pamahalaan.
Ayon kay Deputy Consul General Jaime Ramon Ascalon kabilang sa puwede nilang ibigay na tulong ang pagsasaayos sa pag-uwi ng labi dito sa Pilipinas.
Samantala, tiniyak ni Ascalon ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan nila sa komunidad ng mga Pilipino sa North California para alamin ang kanilang kalagayan.
Napag-alamang nasa mahigit 13,000 Pilipino ang naninirahan sa Napa, Sonoma at Yuba na pinakamatinding apektado ng wildfires samantalang nasa mahigit 4,000 naman ang naninirahan sa iba pang apektadong bansa tulad ng Lake, Marin at Mendocino.
Aabot na sa 40 katao ang nasawi sa malawakang wildfire, kung saan 214,000 acres o mahigit 86,600 hectares ang nasunog.
Humigit kumulang 100,000 katao naman ang napilitang lumikas at mahigit 10,000 bumbero ang patuloy pa ring sinisikap na apulahin ang sunog.
(Ulat ni Raoul Esperas)