Naibenta sa auction ang isang pirasong balahibo ng ibon sa halagang $28,400 o higit sa P1.6 million!
Mula ang itinaguriang “world’s most expensive feather ever sold” sa huia bird, isang ibon sa New Zealand.
Ayon sa Webb’s Auction House, huling namataan ang huia bird noong unang bahagi ng 20th century.
Para sa mga Maori o mga katutubong Polynesian sa New Zealand, simbolo ng impluwensiya sa tribo ang balahibo ng huia birds. Ginamit nila ito bilang ceremonial headdresses at palamuti sa katawan. Naging pang-barter din ito o pamalit para sa mga mahahalagang gamit.
Naging sikat naman ang ibon sa European Kiwis dahil ginawa nila ang mga ito bilang palamuti sa mga bahay sa pamamagitan ng taxidermy.
Dahil sa walang-tigil na pangangaso sa huia birds, tuluyan na silang na-extinct noong 1907.
Bago ito mangyari, tinangka pa ng scientists na dalhin ang mga natitirang ibon sa isla upang mailigtas, ngunit hinuli pa rin ang mga ito at ipinagbebenta.
At ngayong wala na ang huia birds, ang balahibo na lamang nila ang nagpapaalala sa naging mahalagang bahagi nila sa kasaysayan ng New Zealand.
Nagpapakita ang kwentong ito sa pinsalang maaaring idulot ng hindi kontroladong pangangaso at komersyalisasyon sa mga hayop para lamang sa pera. Namamatay na ang mga hayop, nabubura pa nito ang ating kultura at kasaysayan.
Sa pamamagitan ng pag-iingat sa kalikasan at paggalang sa buhay ng lahat ng nilalang, maiiwasan na ang ganitong pangyayari sa hinaharap.