Nananatiling blangko pa rin ang mga awtoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng natagpuang pugot na ulo sa bayan ng Jolo, lalawigan ng Sulu kagabi.
Ayon kay Supt. Junpikar Sittin, Chief of Police ng Jolo, nakita ang pugot na ulo dakong alas-9:00 kagabi sa bahagi ng Sanchez Street halos katabi lamang ng Jolo Cathedral.
Sa panig naman ng Western Mindanao Command na siyang nakasasakop sa lugar, sinasabing Caucasian ang hitsura ng pugot na ulo na nakasilid sa isang trash bag.
Ayon kay Major Filemon Tan, tagapagsalita ng WESMINCOM, maihahalintulad ang hitsura ng nasabing ulo kay Robert Hall na isang Canadian national na binihag ng bandidong Abu Sayyaf.
Una rito, kinumpirma umano ng nagpakilalang tagapagsalita ng Abu Sayyaf group na si Abu Rami ang ginawang pagpugot kay Hall matapos hindi maibigay ang tig-300 milyong pisong ransom sa bawat bihag.
Magugunitang napaso na ganap na alas-3:00 ng hapon kahapon ang itinakdang deadline ng mga bandido sabay banta na isang ulo na naman ang kanilang pupugutan.
Canadian government
Naglabas naman ng pahayag si Canadian Prime Minister Justin Trudeau kasunod ng ulat na isa kababayan na naman nila ang pinugutan ng ulo ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Bagama’t wala pa silang natatanggap na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ng Pilipinas, tiwala siyang ang kababayan nilang si Robert Hall ang tinuluyan ng mga bandido kahapon nang mapaso ang itinakda nilang deadline sa pagbabayad ng ransom.
Bahagi ng pahayag ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau
Sa kaniyang pahayag, sinabi ng Canadian Prime Minister na hindi siya makapaniwala at nakalulungkot aniyang isa na namang kababayan nila ang nagbuwis ng buhay sa kamay ng mga terorista.
Bahagi ng pahayag ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau
By Jaymark Dagala