Isa na namang pulis ang nakalaboso matapos mahuli sa akto na tumataya sa sabong sa bayan ng Tayug, lalawigan ng Pangasinan kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP Integrity Monitoring And Enforcement Group (IMEG) Chief Col. Ronald Lee ang pulis na si Staff Sgt. Sherwin Salazar na nakatalaga sa Pangasinan Provincial Police Office.
Maliban kay Salazar, arestado rin ang dalawang sibilyang kasama nito na kinilalang sina Fiddie Rosario na tumatayong sentinsyador at Florendo Mando na siya namang casador ng sabungan.
Paglilinaw ni Lee, pinapayagan lamang ang paglalaro ng mga lehitimong sabong tuwing araw ng linggo, legal holidays at mga fiesta sa kabayanan na hindi lalagpas sa tatlong araw batay sa itinatakda ng presidential decree 499.
Gayunman, ibang usapan din aniya kung mismong pulis na ang tumataya sa sabong dahil mahigpit ang atas ni PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa na bawal sa anumang uri ng sugalan ang mga pulis maging ito man ay ligal at lalo na sa mga iligal.
Kasunod nito, iniimbestigahan ng IMEG kung may iba pang mga pulis na sangkot din sa operasyon ng iligal na sugal sa Tayug at mga karatig bayan nito sa Pangasinan.