Isang babae sa Pangasinan ang nag-labor at ligtas na nakapanganak sa gilid ng kalsada sa tulong ng dumaan na pulis!
Ang buong kwento, alamin.
Sa CCTV footage na nakuhanan sa isang gasoline station sa Manaoag, Pangasinan, nahagip ang maaksyon na eksena ng isang pulis na sakay ng motorsiklo na huminto sa lalaki na sumusubok na pumara sa mga dumadaan na sasakyan.
Nilapitan nila ang nakaparadang tricycle sa gilid ng gasolinahan na mayroon palang sakay na buntis na inabutan ng pagle-labor sa daan.
Ayon sa buntis na si Mary Janeth Maximo, nauna na pala siyang dalhin sa ospital bago pa ang insidente sa gasolinahan pero pansamantala siyang pinauwi ng midwife dahil sa pag-aakala na hindi pa siya manganganak.
Ayun nga lang ay naghilab ang kaniyang tiyan habang nasa daan.
Sinabi naman ng sumaklolong pulis na si Police Staff Sergeant Niño Pacis, ipinahiga niya sa semento si Mary nang mapag-alaman na malapit na palang lumabas ang ulo ng sanggol.
Makaraan lang ang ilang sandali ay matagumpay na isinilang ni Mary ang isang healthy baby girl na pinangalanang Bernice Mackenzie.
Labis naman na nagpasalamat si Mary kay PSSG. Pacis na first time pala na nagpaanak! Sinabi ng bayaning pulis na hindi raw siya nurse at ginawa niya lang kung ano ang tamang gawin sa sitwasyon para mailigtas ang mag-ina.
Samantala, matapos manganak sa gasolinahan ay dinala sa ospital si Mary at ang kaniyang baby sa pamamagitan ng dumating na police mobile at nakauwi na rin sa kanilang bahay.
Ikaw, anong masasabi mo sa mala-medical drama na eksena na ito?