Limang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang pulis makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Cagayan de Oro City.
Kinilala ang biktima na si Patrolman Roy Aguas, nakatalaga sa Northern Mindanao Police, at dating bodyguard ni dating Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro na napatay din sa ambush noong nakaraang taon.
Sa imbestigasyon, nasa tapat ng isang vulcanizing shop si Aguas at pasakay na sa kanyang motorsiklo nang lapitan ng hindi pa nakikilalang mga lalaki at pinagbabaril sa Barangay Lapasan.
Bago tumakas ang mga salarin ay kinuha pa ang service firearm ng biktima.
Iniimbestigahan pa rin ang naturang pamamaslang.